LUNGSOD NG COTABATO (PIA) - Kasunod ng naitalang bird flu outbreak sa ilang probinsya sa Luzon, nagsagawa ng monitoring at surveillance ang Ministry of Agriculture, Fisheries, and Agrarian Reform o MAFAR sa iba’t-ibang lugar sa Maguindanao.
Ayon sa MAFAR, ginawa ang naturang hakbang upang maagapan ang pagkalat ng naturang sakit sa mga alagang ibon, manok, at itik kung meron mang makumpirmang kaso ng bird flu.
Isinagawa ng MAFAR katuwang ang Department of Agriculture - Bureau of Animal Industry o DA-BAI ang Monitoring and Surveillance Campaign kontro Avian Flu Virus sa mga bayan ng Buluan, Datu Paglas, Datu Saudi, Paglat, Mangudadatu, at Pandag sa nabanggit na probinsya.
Sinabi ni MAFAR Veterinarian Dr. Raheima Maguindra na kinakailangang isagawa ang nasabing mga aktibidad upang tuluyang maiwasan ang pagkalat ng sakit na ang pangunahing target ay mga itik at manok.
Sa ngayon, wala pang naitalang kaso ng bird flu sa BARMM matapos ang sunod-sunod na ginawang blood testing sa mga alagang ibon, manok, at itik.
Ang Avian Influenza (AI) H5N1 outbreak ay unang nadetect sa mga duck at quail farms sa Bulacan, Pampanga, Laguna, at Camarines Sur.
Ayon sa Department of Agriculture may mga sumunod na kaso rin sa Nueva Ecija, Bataan, Tarlac, Sultan Kudarat, at Benguet na posibleng dulot ng presensya ng mga migratory bird.
Sa huling ulat na ipinalabas ng DA ideneklarang ‘under control’ na ang mga kaso ng bird flu sa mga nabanggit na probinsya. (ACB/PIA Cotabato City)