LUNGSOD NG LUCENA (PIA) — Pinangunahan ni Department of Environment and Natural Resources IV-A Regional Executive Director Nilo B. Tamoria, Burdeos Mayor Freddie C. Aman at Real CENR Officer Oliver O. Olivo ang paglagda sa Memorandum of Agreement (MOA) hinggil sa Forest Land Use Plan (FLUP) kamakailan.
Ayon kay Director Tamoria “Ang Forest Land Use Plan ay isang mahalagang bahagi na hindi dapat nakakalimutan ng lokal na pamahalaan dahil isa itong panimula sa pagsasagawa ng development plan – Ridge to Reef Approach sa Comprehensive Land Use Plan ng isang bayan.”
Aniya, hindi iiwanan ng DENR ang bayan ng Burdeos hanggang matapos ang pagsasagawa ng plano sapagkat mas magiging makabuluhan ang plano kung ito ay maisasakatuparan.
Ayon naman kay Community Environment and Natural Resources Officer, Oliver O. Olivo, ang partnership o pagtutulungan na ito ang pinakamahalagang istratehiya para sa programa.
Dagdag nito, ang pagpapatupad ng nasabing kasunduan ay ang pagkakaroon ng magandang plano at isakatuparan ito upang mapalawig ang isang maayos na pangangalaga, pagkonserba, pagprotekta, pamamahala at pagpapaunlad ng kagubatan at pagkakaroon ng mga batas pangkalikasan na aangkop patungkol dito.
Layunin ng kasunduan na ito ng lokal na Pamahalaan at DENR na nilagdaan noong Abril 1 ay magkaroon ng magandang relasyon pagdating sa pangangalaga ng likas na yaman sa lugar.
Isa din sa isinasaalang-alang sa plano ang kabuhayan, kalalagayan ng mga mamamayan, at ang kalagayan ng kalikasan para sa angkop at tuloy-tuloy na paggamit nito.
Kaakibat din nito ang mga batas pangkalikasan na maaring isagawa upang magkaroon ng matibay na pamamahala sa yamang napapaloob dito. (Ruel Orinday/PIA Quezon/may ulat mula kay Czies Ann V. Gatson, IO- CENRO-Real)