No. of :

No. of Shares:

Currently viewed by: Marcus Rosit

National at local elections sa Caraga region naging payapa dahil sa kooperasyon ng bawat botante, ayon sa PNP

LUNGSOD NG BUTUAN -- Naging maayos, matiwasay at malinis ang isinagawang national at local elections sa Caraga Region dahil na rin matinding preparasyon ng mga kinauukulang ahensiya ng pamahalaan at kooperasyon ng bawat botante.

Ito ang binigyang-diin ni Police Brigadier General Romeo Caramat, Jr., regional director ng Philippine National Police (PNP) Caraga, nang ibinahagi niya ang magandang epekto ng pagkakaisa ng bawat sektor para makamit ang isang ligtas at payapang eleksyon ngayong taon.

“Malaki ang naidulot ng maagang preparasyon natin para sa eleksyon kasama na ang iba pang mga ahensiya tulad ng Armed Forces of the Philippines, Bureau of Fire Protection, Philippine Coast Guard, at ang Commission on Elections,” ani ni Caramat.

Binigyang-pugay din ng opisyal ang mga kumandidato dahil sa kanilang pagsisikap na maging maayos ang kani-kanilang kampanya o rally sa iba’t-ibang lugar ng walang gulong naitala.

Dagdag pa ni RD Caramat, may mangilan-ngilang miyembro ng communist-terrorist group din ang nadakip ng mga kawani ng PNP sa checkpoints.

Samantala, pinuri rin ni regional director Lilibeth Famacion ng Department of the Interior and Local Government (DILG) ang bawat botante sa kanilang naging mahalagang kontribusyon sa matagumpay na national at local elections sa rehiyon.

Nanawagan din si RD Famacion sa mga bagong dineklarang opisyal na maging totoo sa kanilang panenerbisyo sa mga mamamayan.

“Maging totoo po tayo sa ating paninilbihan sa gobyerno at sa pagbigay ng mga programa sa ating mga kababayan dahil marami pong umaasa sa inyong gagampanang tungkulin sa bayan,” pahayag ni Famacion. (JPG/PIA-Caraga)

About the Author

Jennifer Gaitano

Writer

CARAGA

Feedback / Comment

Get in touch