LUNGSOD NG COTABATO (PIA) -- Pinaghahandaan na ng Cotabato Regional and Medical Center (CRMC) sa lungsod ng Cotabato ang posibilidad na pag-akyat ng bilang ng kaso ng dengue.
Sa programang PIA Talakayang Dose ng Philippine Information Agency 12, ibinahagi ni CRMC Spokesperson Dr. John Maliga ang ilan sa mga ginagawang hakbang ng ospital kung sakaling dumami pa ang mga pasyenteng magkakaroon ng nabanggit na sakit.
“Dahil nandito kami sa specialty center, what we need is i-expand namin yung pwedeng paglagyan sa kanila. Kinonvert namin yung ibang mga rooms na dati para sa COVID-19, kinonvert namin para sa mga dengue admission,” sinabi ni Maliga
Pinaalalahan din ni Maliga ang publiko na magpatingin agad sa doctor sa oras na makaranas ng mataas at pabalik-balik na lagnat.
Sinabi rin ni Maliga na ang CRMC ay mayroong one hospital command center kung saan pwedeng tumawag ang mga residenteng nasa malalayong lugar tulad ng Kabacan, Pikit at iba pang mga bayan sa North Cotabato.
Base sa datos ng CRMC, abot na sa 144 indibidwal na mayroong dengue ang na-admit sa ospital na karamihan ay mula sa lungsod ng Cotabato. Mula Enero ngayong taon ay abot na sa anim ang mga nasawi dahil sa naturang sakit.