No. of :

No. of Shares:

Currently viewed by: Marcus Rosit

7,000 slots sa TNVS bubuksan ng LTFRB sa NCR

LUNGSOD CALOOCAN, (PIA) – Nakatakdang magbukas ang Land Transportation Franchising Regulatory Board (LTFRB) ng may 7,000 slots ng transport network vehicle service (TNVS) base sa inilabas na Board Resolution No. 065 s. 2022.

Sa mga nais na mag-apply upang mapabilang sa TNVS, inilabas ng LTFRB ang mga sumusunod na alituntunin ng accreditation sa link na ito: https://ltfrb.gov.ph/?p=10060

Sa mga naunang nag-apply noong magbukas ang application noong ika-30 ng Abril 2022 ngunit na-reject dahil sa kakulangan sa requirements, mangyaring gumawa ng bagong account gamit ang bagong e-mail upang maiwasan ang posibleng aberya sa paggamit ng lumang account sa muling pag-register online.

Sa appointment system ng LTFRB, nasa 200 kada araw ang papayagang mag-apply kung ang isang aplikante ay isang unit lang ang ipapasok para sa application ng TNVS. Ang appointment system ay sumusunod sa “first come, first serve” system kaya inaanyayahan ang nais mag-apply na agahan ang pag-register sa website.

Samanatala, nasa 26,301 TNVS units ang kasalukuyang bumibiyahe sa buong bansa. Sa naturang bilang, nasa 25,495 ang tumatakbo sa Metro Manila.

Base sa Memorandum Circular 2019-036, ang flagdown rate para sa sedan-type TNVS ay P40.00, na may P15.00 fare per kilometer, at P2.00 per minute travel fare. Para sa Premium AUV/SUV, ang flagdown rate ay P50.00 na may P18.00 per kilometer fare, at P2.00 per minute travel, habang ang Hatchback o Sub-compact TNVS ay P30.00 flagdown rate, na may P13 per kilometer fare rate, at P2.00 per minute travel fare.

Ipinapaalala ng LTFRB sa mga TNVS operators na sundin ang Terms and Conditions ng kanilang Certificate of Public Convenience (CPC) na nakapaloob sa MC 2015-018 at 2015-018A. Ang sinumang lalabag sa naturang kundisyon ng kanilang prangkisa ay posibleng matanggalan ng CPC base sa fines and violations ng Joint Administrative Order 2014-01 (JAO 2014-01). (LTFRB/PIA-NCR)

About the Author

Susan De Leon

Assistant Regional Head

NCR

IO 3

Feedback / Comment

Get in touch