LUNGSOD PASIG, (PIA) -- Nagpapatuloy ang dredging activity sa Marikina River bilang bahagi ng ng proyekto ng pamahalaang lungsod laban sa pagbaha.
Ayon kay Marikina City Mayor Marcy Teodoro regular na ginagawa ang dredging activity upang hindi agad umapaw ang ilog sa oras na bumuhos ang malakas na ulan.
Anim (6) na backhoe kasama ang amphibious excavator ang sabay-sabay na naghuhukay sa ilog sa bahagi ng Brgy. Tumana at sa bahagi ng Marikina River Park upang tanggalin ang mga dumepositong banlik, putik, buhangin at iba pang materyales na natatangay mula sa kabundukan.
Idinagdag pa ni Teodoro na ang patuloy na dredging activity ay para sa kapanatagan at kaligtasan ng mga taga-Marikina lalo na ng mga nakatira malapit sa ilog lalo na't kung tag-ulan. (Marikina City/PIA-NCR)