LUNGSOD NG COTABATO (PIA) -- Abot sa 184 na iskolar ng Mujahideen Assistance for Science Education (MASE) program mula sa iba't-ibang mga lugar sa rehiyon ng BARMM ang nakatanggap kamakailan ng tulong pinansyal mula sa pamahalaan ng BARMM sa pamamagitan ni Member of the Parliament (MP) Engr. Aida Silongan sa ilalim ng Transitional Development Impact Fund (TDIF) nito.
Kasabay ng kanilang panunumpa na pinangunahan ni BARMM Grand Mufti Sheik Abu Huraira Udasan ay nakatanggap ng tig P40,000 halaga ng tulong pinansyal ang mga iskolar na sumasaklaw sa limang buwang tulong para sa kanilang pag-aaral sa unang semester mula Agosto hanggang Disyembre.
Sa kanyang pahayag sinabi ni MP at Ministry of Science and Technology (MOST) Minister Silongan na inilunsad ang nasabing programa upang matulungan ang mga anak ng Moro Islamic Liberation Front at Moro National Liberation Front upang ituloy ang kanilang pag-aaral sa kolehiyo sa pamamagitan ng pagkuha ng mga kurso na may kaugnayan sa agham at teknolohiya.
Dagdag pa ni Silongan na ang MASE ay nakalaan sa mga anak ng mga Mujahideen o combatant na nag-aaral sa mga malalayong lugar at hindi kayang makipagsabayan sa mga estudyanteng nag-aaral sa mga kolehiyo sa unibersidad sa lungsod.
Dagdag pa rito, ayon sa MOST, ang nasabing programa ay hindi regular dahil nakadepende ito mula sa pondo ng TDIF ng mga miyembro ng parliament. Ang unang batch ng mga grantee ay makatatanggap lamang ng tulong pinansyal sa unang semester ng taon. Ang cash assistance ay magpapatuloy kapag mayroon nang pondo.
Samantala, maliban sa MASE ay mayroon ding regular na programa ang MOST katulad ng Bangsamoro Assistance for Science Education na bukas sa lahat ng mga Bangsamoro, Indigenous People, at Kristiyano, ngunit kailangan nilang ipasa ang qualifying examination at ang general average na hindi bababa sa 85 percent. (With reports from MOST-BARMM).