LUNGSOD NG COTABATO (PIA) -- Binigyang-diin ni Atty. Omar Sema, deputy speaker ng Bangsamoro Transition Authority ng Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM) na isa sa pinakamalaking kontribusyon ng administrasyong Duterte ay ang pagtatatag ng BARMM.
Sa programang PIA Talakayang Dose ng Philippine Information Agency XII ay pinuri ni Sema ang peace roadmap ng kasalukuyang administrasyon na aniya ay naging daan upang tuluyang maipasa ang Republic Act 11054 o ang Bangsamoro Organic Law, ang batas na bumuo ng bagong gobyerno at rehiyon sa Bangsamoro.
“Sa nakaraang anim na taon maliban sa nangyari sa Marawi City, the Bangsamoro autonomous region has enjoined relative peace that has not been experience in the last 20 or 30 years.” Sinabi ni Sema
Kaugnay nito, binanggit din ni Sema ang tulong na nagawa ng administrasyong Duterte para sa pagpapalawig ng transition period ng BARMM hanggang 2025.
“In the last three decades hindi natin naranasan itong napaka importanteng kapayapaan na nagbigay sa pagkakatatag ng Bangsamoro government and I believe yun ho yung napakahalagang legacy ng pangulong Duterte. Walang naging pangulo ng Pilipinas ang nakaabot sa naabot ng administrasyon ni Pangulong Duterte.” Dagdag pa ni Sema.
Samantala, siniguro rin ni Sema na ang pamahalaan ng BARMM sa pamamagitan ng BTA ay magpapatuloy na magtatrabaho at makikipag-ugnayan sa papasok na administrasyon. (PIA Cotabato City)