LUNGSOD NG COTABATO (PIA) -- Inaasahang mas marami pang mga mahihirap na residente mula sa rehiyon ng BARMM ang makikinabang sa karagdagang tulong medikal sa pamamagitan ng “Tulong Medical Assistance Program” ng pamahalaan ng BARMM sa pamamagitan ng Bangsamoro Transition Authority (BTA).
Kamakailan ay nilagdaan ng Ministry of Health (MOH) at ng BTA ang memorandum of understanding para sa pagpapatupad ng nasabing programa.
Sinabi ni MOH-BARMM officer-in-charge minister Dr. Zul Qarneyn Abas na ang P20 milyong tulong medikal ay bahagi ng Transitional Development Impact Fund ng BTA na naglalayong isulong ang higit na access sa serbisyong medikal.
Upang simulan ang nasabing inisyatiba ay itinurnover ng ilang mga kinatawan ng BTA sa mga opisyal ng MOH ang inisyal na P300,000 na pondo para sa nasabing programa.
Ang programa ay mapakikinabangan ng mga mahihirap na Bangsamoro sa pamamagitan ng Amai Pakpak Medical Center sa Marawi City, Cotabato Regional and Medical Center sa Cotabato City, Zamboanga City Medical Center, Basilan General Hospital, Sulu Sanitarium Hospital, at Cotabato Sanitarium Hospital.
Kabilang din sa mga tatanggap ng nasabing programa ang mga health facilty ng Deseret Surgimed Hospital, Dr. Serapio Montaner Jr. Al Haj Memorial Hospital, Maguindanao Provincial Hospital, Iranun District Hospital, at Tamparan District Hospital. (With reports from MOH-BARMM).