LUNGSOD NG COTABATO (PIA) -- Itinurnover kamakailan ng pamahalaan ng BARMM sa pamamagitan ng Ministry of Public Works (MPW) at Ministry of Health (MOH) ang 100-bed COVID-19 isolation center, Temporary Treatment and Monitoring Facilities (TTMF) sa Cotabato Regional and Medical Center (CRMC) sa lungsod.
Ang nasabing isolation center na nagkakahalaga ng abot sa P27 milyon ay mayroong micro rooms, nurse station, doctors lounge, comfort room at donning station.
Sa kanyang pahayag ay nagpaabot ng pasasalamat si CRMC Chief Dr. Ishmael Dimaren sa pamahalaan ng BARMM para sa nasabing proyekto at iba pang mga tulong medikal.
Dagdag pa rito, umaasa rin si Dimaren na mas marami pang tulong ang maipaabot ng gobyerno ng BARMM sa CRMC.
Samantala, sinabi ni MOH officer-in-charge minister of health Dr. Zul Qarneyn Abas na maglalaan ang MOH ng pondo para sa pagpapatakbo, pagpapanatili at iba pang mga gastusin ng pasilidad. Aniya, kabilang ang CRMC sa plano at budget call ng ministry upang matulungan ang mga nasa ospital.
Ang nasabing isolation center ay itinayo sa loob ng tatlong araw na pinondohan sa ilalim ng Bangsamoro Appropriation Act 2021 at contingency fund ng Office of the Chief Minister na ipinatupad ng MPW-Maguindanao District Engineering Office 1. (With reports from Bangsamoro Government).