PIGCAWAYAN, Lalawigan ng Cotabato (PIA) -- Abot sa 30 profiled child laborer dito sa bayan, partikular sa Sitio Dalumangkom, Barangay Kimarayag ang nakinabang kamakailan sa Project Angel Tree ng Department of Labor and Employment o DOLE.
Nabigyan ang mga bata ng school supplies, hygiene kits, vitamins at iba pang mga pangangailangan nito gaya ng pagkain.
Sa lalawigan, karaniwang tinatangkilik ng mga child laborer ang pagsasaka, construction at iba pang gawaing pambahay.
Samantala, ini-refer naman sa mga ahensya ng gobyerno ang mga magulang ng child laborers upang mabigyan ng technical-vocational skills at maisailalim sa entrepreneurial training. Ito ay upang matulungan ang mga magulang na makapagsimula ng maliit na negosyo at magkaroon ng kita bilang pangsuporta sa kanilang pamilya.
Sa kabilang banda, nagpasalamat naman ang DOLE, sa pamamagitan ni Joemi Pascasio, labor and employment officer at Child Labor Prevention and Elimination Program (CLPEP) focal person, sa mga naging katuwang na ahensya ng DOLE sa pagpapatupad ng proyekto. Si Pascasio ang naging representante ni DOLE-Cotabato provincial director Marjorie Latoja sa aktibidad.
Kabilang sa mga pinasalamatan ang Southern Christian College sa Midsayap, Cotabato Sugar Central Company (COSUCECO) sa Matalam, Farmacia Villarta sa Pigcawayan, Energy Development Corporation sa Kidapawan City, Cotabato Electric Cooperative Employees and Retirees Multi-purpose Cooperative sa Matalam, Notre Dame of Midsayap College, at Notre Dame of Kidapawan College.
Ang Project Angel Tree ay naisakatuparan sa ilalim ng CLPEP. Layon nito na makapagbigay ng mga ayuda tulad ng pagkain, damit, at school supplies. Sa ilalim ng proyekto, nabibigyan din ng oportunidad ang mga mga child laborer, maging ang kanilang pamilya, na magkaroon ng tulong pang-edukasyon at mga pagsasanay. (With reports from DOLE-Cotabato)