GENERAL SANTOS CITY (PIA) -- Umabot na sa 70.71 % ang mga nabakunahang senior citizen dito sa lungsod matapos ang puspusang kampanya at pinaigting na vaccination drive na isinagawa ng lokal na pamahalaan nitong nakaraang buwan.
Ayon sa Local COVID-19 Vaccination Dashboard ng lungsod mayroong 29,599 na mga senior citizen o 65.38% ang nabakunahan ng first dose samantalang 32,012 naman o 70.71% ang nakatanggap ng second dose o single simula Marso 2021 hanggang Hulyo 7, 2022.
Nangangahulogan ito na maaaring bumaba sa Alert Level 1 status ang Gensan dahilan sa naabot na nito ang pang-apat na criteria o parameter.
Una ng sinabi ni Dr. Edvir Jane S. Montañer, ang National Immunization Program Medical Coordinator ng DOH-CHD Soccsksargen na maaari lamang ma de-escalate ang isang lugar sa Alert Level 1 kung mimimal risk ang klasipikasyon nito or mababa ang bilang ng nagkakasakit ng COVID, mas mababa sa 50% ang total bed utilization o bilang ng mga naoospital, 70% ng target na populasyon ay nabakunahan, at panghuli ay ang full vaccination ng 70 porsyento ng target na populasyon ng Priority Group A2 o senior citizen nito.
Sinabi ni Dr. Rochelle Gajete-Oco, hepe ng City Heath Office (CHO) ng lungsod nitong Byernes na inirekomenda na ng National Task Force Against COVID-19 noong umaga ng Hunyo 30, 2022 na mapababa sa Alert Level 1 ang estado ng Gensan. Naghihintay na lamang umano hanggang sa ngayon ang lokal na pamahalaan ng opisyal na deklarasyon mula sa mga bagong myembro ng National Interagency Task Force.
Samantala, ikinagalak ni Oco ang pag-abot sa 70% ng mga nabakunahang matatanda edad 60 taon pataas matapos ang kanilang pagsasaayos ng mga datos katuwang ang Department of Information and Communications Technology.
Halos isang linggo umano silang hindi natulog upang ma encode ang lahat ng datos upang mapabilang na rin ang lungsod sa mga Highly Urbanized Cities sa bansa na kasalukuyang nasa Alert Level 1 na at matulongang makabawi ang lokal na ekonomiya. (PGFruylan/PIA-Gensan)