Praesent commodo cursus magna, vel scelerisque nisl consectetur et. Nullam id dolor id nibh ultricies vehicula ut id elit.
LUNGSOD QUEZON, (PIA) – Pinasinayaan ni Mayor Lani Cayetano noong Lunes, ang Taguig City Healthy Food Fair bilang bahagi ng pakikiisa ng pamahalaang lungsod sa pagdirwang ng Buwan ng Nutrisyon ngayon Hulyo.
Ayon sa punong lungsod ang Healthy Food Fair ay suporta din sa mga maliliit na negosyanteng nagbebenta ng mga masustansyang pagkain tulad ng mga sariwang gulay, prutas, at malunggay pandesal.
Pinaalala ng punong lungsod sa kanyang mga kababayan ang importansya ng pagkakaroon ng positibong kaisipan dahil ito rin ay bahagi ng pagiging malusog ng isang tao.
Ibinahagi naman ng City Nutrition Office ang kanilang mga isinagawang programa sa gitna ng pandemya tulad ng house-to-house distribution ng pagkain, medisina, at tulong pinansyal.
Ilan pa sa mga naging programa ay ang pagtatayo ng community markets sa iba’t ibang barangay, lectures at seminars online kung paano maging malusog, at paghikayat sa mga residente na magtanim para sa food security.
Ipinagmalaki rin ng Nutrition Office ang kanilang natanggap na Nutrition Honor Award, ang pinakamataas na parangal na ibinibigay ng National Nutrition Council sa mga local government unit.
Ayon kay Taguig City Nutrition Office Head Julie Bernabe, layunin ng lungsod na ipagpatuloy ang programang lalaban sa malnutrisyon at kagutuman. Prayoridad din ng Taguig ang nutrisyon ng mga pregnant at lactating women, at daycare children.
Ang Taguig ay patuloy na magpapalawig ng mga programang pangkalusugan upang masiguro na ang bawat Taguigeño ay mayroong malusog at masustansyang pangangatawan. (PIA-NCR)