GENERAL SANTOS CITY (PIA) -- Patuloy ngayon ang paghahanda ng lokal na pamahalaan dito sa lungsod para sa ika-walong taong pagdiriwang ng Blaan Day ngayong Hulyo 22 kung saan isang pagpupulong ang isinagawa kasama ang City Mayor's Office - Integrated Cultural Communities Affairs Division (CMO-ICCAD).
Ayon kay ICCAD Division Chief Jocelyn Lambac-Kanda, isang parada at iba't ibang patimpalak ang aabangan ng mga Heneral at turista sa paparating na selebrasyon na gaganapin sa Oval Gym.
Dagdag ni Lambac-Kanda, inaasahan nila ang pagdalo ng bagong halal na mayor ng lungsod na si Lorelie G. Pacquiao bilang guest speaker sa nasabing araw.
Inihayag ng hepe ng ICCAD sa nasabing pagpupulong ang kanilang pasasalamat kay Mayor Pacquiao dahil sa suporta nito sa pakikinig ng mga hinaing ng mga indigenous people tungkol sa kanilang representasyon sa lungsod.
Ang Blaan Day ay ipinagdiriwang sa Gensan kada taon tuwing ika-22 ng Hulyo sa bisa ng Ordinance No. 14 series of 2016 na ipinasa ng yumaong konsehal na si IPMR Juanito Kindat.
Ang ICCAD naman ang dibisyon sa ilalim ng LGU na tumututok sa pag-implementa ng mga programa, aktibidad, at proyektong para sa mga IPs ng lungsod. (Harlem Jude P. Ferolino/PIA SarGen)