LUNGSOD NG COTABATO (PIA) -- Tinalakay ni Bank Officer II Ramonnetto Gervacio ng Regional Economic Affairs Staff ng Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP), Mindanao Regional Office ang kahalagahan ng pagkakaroon ng formal savings account sa mga bangko sa halip na magkaroon ng alkansiya sa mga bahay.
“Mahalaga talaga na mayroon tayong savings account o formal savings account sa isang bangko o sa isang financial institution. Kasi unang-una, ito ay parang safeguard, nasisiguro natin na yung pera natin ay hindi nawawala, hindi nananakaw o hindi kaya masama sa pagkasunog ng bahay,” sinabi ni Gervacio.
Sa programang Talakayang Dose ng Philippine Information Agency Region XII, ibinahagi rin ni Gervacio na bukod sa nasisiguro nito ang kaligtasan ng pera ay nagkakaroon din ng interes ang idinepositong salapi.
Dagdag pa rito, ayon kay Gervacio, ang idinepositong pera ay magagamit din ng bangko upang magpaabot ng tulong sa mga commercial establishment na nagnanais magloan ng pera para sa kanilang expansion.
Subalit, nilinaw din ni Gervacio na walang batas na nagbabawal na mag-ipon ng pera sa bahay, basta’t ito ay nasa maliliit lamang na lalagyan at upang hindi aniya magkaroon ng artificial shortage o pansamantalang kakulangan ng pera.
Kaya naman patuloy pa rin ang isinasagawang panghihikayat ng BSP sa publiko na gamitin ang pera o di kaya ay ideposito ito sa bangko upang patuloy ang pag-ikot nito para makatulong sa pagpaunlad ng ekonomiya ng bansa. (PIA Cotabato City)