LUNGSOD NG COTABATO (PIA) -- Ibinahagi ni Bank Officer II Ramonnetto Gervacio ng Regional Economic Affairs Staff ng Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP), Mindanao Regional Office na ang tamang pagsusuri ay dapat gawing publiko upang masiguro na ang pera ay totoo o peke.
“Mayroon po tayong tatlong pamantayan. Yung tinatawag po natin na the look, the feel, and the tilt. Unang-una, tingnan po natin ang disenyo ng pera. Pangalawa, ito namang sa feel, kung saan sinasalat po natin ang ating pera. Ang pangatlo, yun na naman yung tilt element. So naglalagay po tayo ng elemento sa ating mga pera na kung saan kapagka naka-tilt po ito depende po sa light source, nagbabago po yung kulay,” sinabi ni Gervacio.
Paalala ni Gervacio na ugaliing gawin ang look, feel, at tilt. Aniya, kailangang magaspang ang pera kapag hinahawakan dahil sa klase ng materyal na ginamit dito. Mabilis din dapat makita ang mga embossed prints, security fibers, at see-through marks ng pera. Makikita rin ang nakatagong features at halaga ng pera kapag ito ay inikot at tiningnan ng malapitan.
Dadag pa rito, hinikayat din ng BSP ang publiko na i-surrender ang natanggap na counterfeit o kaduda-dudang pera upang ito ay ma-examine kung ano ang ginamit na teknolohiya dito. Sinabi ni Gervacio na ang head of office ng BSP ang siyang magsusuri sa pera at magbabase sa resulta ng eksaminasyon kung babayaran ng BSP ang may-ari ng pera.
Samantala, ibinahagi rin ni Gervacio ang tatlong pamantayan sa pagpapalit ng perang nasira na tinawag na 3S o tatlong S. Kabilang dito ang size na dapat mayroong 60 porsyento sa surface area ng nasirang pera. Pangalawa, ang dalawang signature o lagda na dapat maiwan sa pera, ang lagda ng pangulo ng Pilipinas at tagapangasiwa ng BSP. Ang pangatlo ay ang security thread o bituka na dapat maiwan sa nasirang pera. (PIA Cotabato City)