No. of :

No. of Shares:

Currently viewed by: Marcus Rosit

Tagalog News: Dengue Outbreak sa OccMDo, kinumpirma ng PHO

Dengue Outbreak sa OccMDo, kinumpirma ng PHO

Bilang tugon sa panawagang 4 o'clock habit ng DOH, tumutulong ang MDRRMO Magsaysay sa paglilinis ng kapaligiran upang labanan ang Dengue. Batay sa datos ng Prov Health Office, kabilang ang Magsaysay sa mga munisipalidad na may kaso ng Dengue. (MDRRMO Magsaysay)

SAN JOSE, Occidental Mindoro (PIA) -- Kinumpirma kamakailan ng Provincial Health Office (PHO) na may dengue outbreak na sa probinsya.

Ayon kay Dr. Teresa Tan, opisyal ng PHO, lubhang nakababahala ang patuloy na tumataas na bilang ng mga kaso ng Dengue. Aniya, mula Enero hanggang Hulyo 2022 ay umabot na sa 1,126 ang dinapuan ng naturang sakit, kumpara sa 86 na kaso lamang sa kaparehong mga buwan noong 2021.

Sa nabanggit na kabuuang bilang, pinakamaraming Dengue cases sa Sablayan na may 327. Sumunod ang San Jose na may 222 Dengue cases, 176 sa Sta Cruz, 129 sa Mamburao at 121 kaso sa Calintaan. Nakapagtala ng 80 kaso ang Rizal, 21 sa Magsaysay, 19 sa Paluan at 29 sa Abra de Ilog. Nananatili namang walang kaso sa Looc at Lubang.

Ang deklarasyon ng Dengue Outbreak sa Occidental Mindoro ay ginawa sa pamamagitan ng Executive Order (EO) No. 42 series of 2022. Kabilang sa nilalaman ng kautusan ang atas ni Governor Eduardo Gadiano sa mga District at Provincial Hospital na ibigay ang lahat ng kinakailangang tulong sa mga pasyenteng may Dengue. Ipinaalaala din sa EO 42 ang unang pinalabas na memorandum noong ika-16 ng Hulyo kung saan may direktiba ang gobernador sa mga apektadong munisipalidad, para sa mahigpit na implementasyon ng iba't ibang aktibidad laban sa Dengue. Kabilang dito ang 5s strategy o ang Seek and destroy mosquito breeding sites, Seek early consultation, Self-protection measures, Support misting at Sustain hydration.

Kaugnay nito, inihayag kamakailan ng Regional Epidemiology and Surveillance Unit, na nangunguna ang Occidental Mindoro sa may pinakamataas na bilang ng kaso ng Dengue sa buong Mimaropa. (VND/PIA MIMAROPA)

About the Author

Voltaire Dequina

Writer

Region 4B

Feedback / Comment

Get in touch