LUNGSOD QUEZON -- Ilang araw bago ang unang State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr., sa Batasang Pambansa, Lungsod Quezon sa ika-25 ng Hulyo 2022 ay nagpalabas ang Metro Manila Development Authority (MMDA) ng abiso sa publiko ng mga isasaradong kalsada at ang ipatutupad na traffic rerouting scheme.
Pinapayuhan ang mga motorista na dumaan sa mga sumusunod na alternatibong ruta dahil inaasahan ang matinding trapiko sa Commonwealth Avenue:
Northbound (Quezon Memorial Circle to Fairview)
- Ang mga sasakyan mula sa Elliptical Road ay dapat dumaan sa North Avenue, kumanan sa Mindanao Avenue, pagkatapos ay kumanan sa Sauyo Road o dumaan sa Quirino Highway, pagkatapos Commonwealth Avenue upang marating ang destinasyon.
Southbound (Fairview to Quezon Memorial Circle)
- Ang mga sasakyan mula sa Commonwealth Avenue ay dapat dumaan sa Sauyo Road o Quirino highway, kumaliwa sa Mindanao Avenue, pagkatapos ay kumaliwa sa North Avenue upang marating ang destinasyon.
Light Vehicles
Northbound (Quezon Memorial Circle to Fairview via Marikina)
- Mula sa Elliptical Road (QMC) ay dapat kumanan sa Maharlika St., kumaliwa sa Mayaman St., kumanan sa Maginhawa St., kumaliwa sa C.P. Garcia Avenue, kumanan sa Katipunan Ave., kumaliwa sa A. Bonifacio Ave., dumiretso sa Gen. Luna Ave., kumanan sa Kambal Rd., kumaliwa sa GSIS Road, kumaliwa sa Jones St., kumanan sa Gen. Luna Ave., dumiretso sa A. Mabini St., kumaliwa sa Rodriguez Highway, at kumaliwa sa Payatas Road upang marating ang destinasyon.
- Mula sa C5 Road ay maaaring kumaliwa sa Magiting St., kumanan sa Maginhawa St., at kumaliwa sa Mayaman St. hanggang Kalayaan Avenue upang marating ang destinasyon.
Trucks
- Ang mga manggagaling sa C-5 sa kahabaan ng Katipunan Avenue ay dapat dumaan sa Luzon Flyover at pagkatapos ay kumaliwa sa Congressional Avenue upang marating ang destinasyon.
Samantala, nagsagawa na ng ocular inspections, walk-throughs at mga inter-agency coordination ang Presidential Security Group (PSG) upang matiyak ang seguridad ng Pangulo, ng First Family at lahat ng dadalo sa SONA. Tiniyak naman ni PSG Commander Col. Ramon Zagala na sila ay naka-full alert at nakahanda sa mga posibleng mangyari.
Magpapatupad naman ang Philippine National Police (PNP) ng gun ban sa Metro Manila mula Hulyo 22 hanggang 27, 2022.
Idineklara ring ‘no-rally zone’ ang kahabaan ng Commonwealth Avenue ngunit papayagan pa rin ang mass demonstrations sa mga itinalagang freedom park tulad ng University of the Philippines grounds at Quezon Memorial Circle.
Inaasahang mahigit 22,000 pulis ang ipakakalat para sa seguridad at maaayos na pagsasagawa ng SONA.
Sa Linggo, Hulyo 24, naman ay inaasahang magkakaroon ng rehearsal si Pangulong Marcos Jr. kasama ang magiging director ng SONA na si Director Paul Soriano, Radio Television Malacañang (RTVM), at cinematographer na si Odie Flores. (KSAA-DDCU)