KIDAPAWAN CITY (PIA) -- Nakatanggap ng farm equipment ang dalawang organisasyon ng mga magsasaka mula sa mga barangay ng Linangkob at Sikitan sa Kidapawan City nitong Myerkules.
Ang tulong ay mula sa pamahalaang panlungsod ng Kidapawan at sa National Task Force to End Local Communist Armed Conflict o NTF-ELCAC. Ito ay sa ilalim ng programang Capacity Development Related to Agriculture Development na naglalayong tulungan ang mga dating rebelde na nagbalik-loob sa pamahalaan sa pamamagitan ng pagbibigay sa kanila ng mga angkop na programa at proyekto.
Nakapaloob dito ang pamamahagi ng mga farm equipment at facility at maging ang training programs upang magtuloy-tuloy na ang mga rebel returnee sa kanilang pagbabagong buhay.
Ang dalawang benepisyaryo ay ang Nagkahiusang Barangay Linangkob sa Kaunlaran (NABALIK) at Sikitan Multi-Sectoral Association (SMSA), mga farmer organization na itinatag ng dating rebelde.
Ayon kay Marissa Aton, city agriculturist, isang yunit ng travelling rice mill ang natanggap ng NABALIK at nagkakahalaga ito ng P954,000 habang ang SMSA naman ay nakatanggap naman ng 114 na pala at 114 din na sprayer na may kabuuang halaga na P280,000.
Kaugnay nito, inaasahang mas mapalalakas pa ang produksyon ng dalawang organisasyon. (With reports from CIO-Kidapawan)