‘Barakalan sa Kapitolyo 2022’ inilunsad sa Palawan

PUERTO PRINCESA, Palawan (PIA) -- Inilunsad ng Office of the Provincial Agriculturist (OPA), sa pamumuno ni Dr. Romeo Cabungcal, ang ‘Barakalan sa Kapitolyo 2022’ noong Hulyo 27 na makikita sa Centennial Pavilion ng Gusaling Kapitolyo.
Samu't-saring mga produktong agrikultura mula sa mga magsasaka at mangingisda sa lalawigan ng Palawan ang maaaring mabili dito sa abot-kayang halaga tulad ng sariwang prutas at gulay.
Ayon kay Dr. Cabungcal, layon ng aktibidad na ito na matulungan ang mga magsasaka at mangingisda ng lalawigan sa pagbebenta ng kanilang mga de-kalidad at organikong produkto sa mga mamimili sa tamang presyo.
Katuwang ng OPA sa paglunsad ng ‘Barakalan sa Kapitolyo 2022’ ang Palawan Tarabidan Multi-Purpose Cooperative, na official partner ng Department of Agriculture (DA) bilang Kadiwa Mimaropa Official Outlet kung saan dumalo rin sa paglulunsad na ito si DA-Mimaropa Executive Director Antonio G. Gerundio.
Sa kanyang mensahe, pinuri nito ang OPA sa paglulunsad ng nasabing proyekto. Hinikayat din nito ang lahat ng mga ahensiyang may kinalaman sa sektor ng agrikultura na patuloy na tulungan ang maliliit na mga magsasaka at mangingisda.
Kaugnay nito, nanawagan din si Dr. Cabungcal sa publiko na tangkilikin ang mga produktong ibinibenta sa ‘Barakalan sa Kapitolyo' at sa mga Kadiwa Outlet upang matulungan ang mga Palaweño na nasa sektor ng agrikultura.
Ang "Barakalan sa Kapitolyo" ay bukas simula alas 9:00 a.m.- 2:00 p.m. tuwing araw ng Miyerkules, at bukas ito para sa lahat ng mamimili. (OCJ/PIA-MIMAROPA, Palawan)