LUNGSOD QUEZON -- Opisyal na inilunsad ng Komisyon sa Wikang Filipino (KWF) ang pagdiriwang ng Buwan ng Wikang Pambansa ngayong taon na may temang “Filipino at mgaKatutubong Wika: Kasangkapan sa Pagtuklas at Paglikha” sa pamamagitan ng Buwan ng Wika 2022 Press Conference nitong Biyernes, 29 Hulyo 2022 sa Philippine Information Agency Auditorium, Diliman, Lungsod Quezon. Dinaluhan ito ng Lupon ng mga Komisyoner mula sa KWF at mga kinatawan mula sa iba’t ibang media organization.
Binigyang diin ng Tagapangulo ng KWF na si Arthur P. Casanova ang mandato ng komisyon na manaliksik, paunlarin, itaguyod, at palaganapin ang wikang pambansang Filipino kasabay nang paglinang ng mga katutubong wika sa Pilipinas.
“Mahalagang mabigyang-diin ang papel ng mga katutubong wika sa ating bansa. Mayroon tayong 130 katutubong wika at ang ilan dito ay nanganganib nang maglaho kaya ang preserbasyon ng wika ay napakahalaga, ” aniya.
Dagdag pa ng Tagapangulo, “Sa paglinang ng wikang pambansang Filipino ay nauugnay ang inclusivity. Kinakailangang ang pagsasanib ng bokabularyo, talasalitaan at gramatika mula sa iba’t ibang katutubong wika upang makabuo ng isang gramatikang Filipino.”
Bilang pakikiisa naman ay nagpaabot ng kanyang mensahe ang Direktor Heneral ng Philippine Information Agency na si Undersecretary Ramon Lee Cualoping III.
“Asahan ninyong narito ang aming tanggapan, sampu ng sangayng PIA sa rehiyon at kanayunan, na handang tumulong sapagpapakalat ng impormasyon patungkol sa kahalagahan ng pagbibigay-pugay sa ating mga wika—mga wikang bumubuo saating pagkakakilanlan bilang Pilipino,” saad ni Cualoping.
Gayundin, ibinahagi naman ng mga puno ng bawat sangay ng komisyon ang kani-kanilang mga programa at proyekto sa buwan ng Agosto. Ilan dito ay ang pagsasagawa ng Serye ng Webinar, Tertulyang Pangwika 2022 sa iba’t ibang Pampublikong Pamantasan at Unibersidad, pagpaparangal sa mga nagwagi sa Timpalak at Gawad 2022, at paglulunsad ng mga publikasyon.
Para sa kumpletong listahan ng aktibidad, maaaring bisitahin ang www.facebook.com/komfilgov/ (KSAA-CPSD)