No. of :

No. of Shares:

Currently viewed by: Marcus Rosit

Cualoping, handang isulong mapalaganap ang wikang Filipino

MAYNILA, (PIA) -- Handang makipagtulungan ni Philippine Information Agency (PIA) Director-General Ramon Cualoping III sa pagpapalaganap ng wikang Filipino sa iba't ibang panig ng bansa.

Ayon kay Cualoping, katuwang ng Komisyon sa Wikang Filipino (KWF) ang tanggapan ng PIA, para isulong ang Filipino sa nalalapit na Buwan ng Wikang Pambansa ngayong Agosto.

"Asahan ninyong narito ang aming tanggapan, sampu ng sangay ng PIA sa mga rehiyon at kanayunan, na handang tumulong sa pagpapakalat ng impormasyon patungkol sa kahalagahan sa pagbibigay-pugay sa ating mga wika, mga wikang bumubuo sa atin bilang mga Pilipino," aniya. Sa kasalukuyan ay may 16 regional offices at 78 information centers ang PIA.

"Narito kami, kaakibat ninyo, upang magpaliwanag, at patuloy na magpapakalat ng mga impormasyong totoo, patas, at walang kulay," sinabi ng opisyal.

Inaanyayahan din ni Cualoping ang publiko na makilahok sa mga programa at diskursong ihahatid ng pamahalaan, sa pamamagitan ng KWF.

Dumalo ang ilang opisyal ng KWF, sa pangununa ni Chairman Dr. Arthur Casanova, sa isang press conference na inorganisa ng PIA nitong Biyernes, upang itampok ang mga programa at aktibidad hinggil sa pagdiriwang ng Buwan ng Wika.

Philippine Information Agency Director-General Ramon Cualoping III (PIA-NCR)

Si Cualoping, na kilalang eksperto sa branding at ilang patok na advocacy campaign, ang personal na tumanggap sa grupo ni Casanova.

"Ayon nga sa ating mahal na bagong Pangulong Ferdinand Romualdez Marcos Jr., itong tinaguriang Filipino brand ay malalim na nakaugat sa ating mayamang kultura na hiarnubog ng ating kasaysayan, at dapat pa natin itong mas pangalagaan, pagsikapan, at ipagmalaki, hindi lamang sa ating mga kababayan, kundi sa buong mundo, dahil ito ang tunay nating tatak bilang Pilipino," paliwanag ni Cualoping.

Dagdag pa ng opisyal, ang Buwan ng Wika, na may temang, "Filipino at mga Katutubong Wika: Kasangkapan sa Pagtuklas at Paglikha," ay isang pagbabalik-tanaw upang makikilala ang iba't ibang mga gawang sining na sumasalamin sa mayamang kultura, kasaysayan, at dunong ng mga Pilipinong etno-lingwistiko sa bansa.

"Halimbawa na rito ang mga panitikang pasulat at pasalita kagaya ng mga katutubong epiko, mga klasikong literatura, at iba pa," aniya.

Aniya pa, nawa'y magsilbing inspirasyon ang mga yamang kultural na ito sa paglinang at pagsulong ng mga makabagong likhang sining. Mula sa ating kasalukuyan, hanggang sa susunod na henerasyon ng mga Pilipinong manlilikha.

"Katulad na lamang po ng lagi naming sinasabi dito sa PIA, kami po ay totoo sa aming mandato, kami ay maglalahad ng impormasyon, and we will always explain, explain, explain," aniya.

Magugunitang ang pagdiriwang ng Buwan ng Wika ay batay sa Pampanguluhang Proklamasyon Bilang 1041, s. 1997 na nilagdaan at ipinahayag ni dating Pangulong Fidel V. Ramos noong Hulyo 13, 1997 na nag-aatas na ang Agosto ay Buwan ng Wikang Pambansa at Nasyonalismo.

Sa nasabing Presidential Proclamation, kinikilala ang kahalagahan ng isang katutubong wika bilang mahalagang kasangkapan sa komunikasyon, unawaan, pagkakaisa at pambansang kaunlaran. (PIA-NCR)

About the Author

Jerome Carlo Paunan

Editor

NCR

Feedback / Comment

Get in touch