Si KWF Chairman Arthur Casanova kasama ang isang tagasalin ng Filipino Sign Language (PIA-NCR)
LUNGSOD QUEZON, (PIA) -- Naging katuwang ng Komisyon sa Wikang Filipino (KWF) sa isang press conference nitong Biyernes ang Filipino Sign Language (FSL) Unit upang mas maunawaan ng mga Pilipino na may kapansanan sa pandinig ang pagdiriwang ng nalalapit na Buwan ng Wika sa Agosto.
Nagsilbing mga sign language interpreter ang ilang tauhan ng FSL habang kausap ng mga opisyal ng KWF, sa pangunguna ni Chairman Arthur Casanova, ang mga miyembro ng media na dumalo sa presscon sa paanyaya ng Philippine Information Agency.
Nauna nang nilagdaan ng KWF at ng National Coordination Network of Deaf Organization ang isang memorandum of agreement na naglalayong palakasin ang Filipino Sign Language sa bansa, sa pamamagitan ng pagkilala sa mga karapatan ng mga Pilipinong may kapansanan sa pandinig para sa kanilang kumpleto at pantay na partisipasyon sa mga aktibidad ng KWF.
Bukod pa rito, matatandaan din na ipinasa ang batas na nagdedeklara sa FSL bilang national sign language ng mga Pilipino na may kapansanan sa pandinig.
Ito ang magiging opisyal na lengguwahe ng gobyerno sa lahat ng transaksiyon na may kinalaman sa mga bingi. Obligado rin itong gamitin sa lahat ng pampublikong paaralan, broadcast media, at mga tanggapan ng pamahalaan.
Ang FSL Unit ay kasalukuyang matatagpuan sa Malacanang Complex, sa Lungsod Maynila. (PIA-NCR)