LUNGSOD NG KORONADAL, South Cotabato (PIA) -- Mas pinalawig pa ng Social Security System (SSS) ang kanilang Pandemic Relief and Restructuring Program (PRRP), na tumutulong sa mga may-ari ng establisimyento at mga kompanyang na hindi nakabayad ng kontribusyon ng kanilang mga empleyado sa nabanggit na ahensiya.
Sa pulong balitaan pagkatapos ng isinagawang RACE O 'Run After Contribution Evaders sa Polomolok nitong Huwebes, Hulyo 21, sinabi ni Redentor Viola, bise presidente ng SSS Mindanao South II Division, na bagamat nagtapos na ang PRRP 2, epektibo naman ang PRRP 3 na maaring samantalahin ng mga employer na hindi nakabayad ng monthly premiums hanggang Nobyembre nitong taon.
Depende sa halaga ng hindi nabayarang kontribusyon, binibigyan ng anim hanggang animnapung buwan ang mga establisyemto na bayaran ng installment ang kanilang obligasyon, ayon kay Viola.
Maaring ma-download sa SSS website ang application form para sa installment payment. Maari ring makipag-ugnayan sa nakatalang SSS accounts officer sa kanilang lugar o bumisita sa pinakamalapit na tanggapan ng SSS sa kanilang lugar.
Nilinaw din ni Viola na sakaling ma-aprubahan ang installment plan sa di-nabayarang member contribution at mga penalties, dapat siguruhin ng mga employer na babayaran ng regular ang buwanang kontribusyon ng kanilang mga empleyado. Papayagan aniya ang mga kompanya at establisimyento na mag-isyu ng post-dated cheques.
Dagdag paalala ng mga opisyal ng SSS, ang hindi pagbabayad ng member contribution ay may penalidad na P5,000 hanggang P20,000 o pqgkakahulong ng mula anim na taon at isang araw hanggang 12 taon.