600k halaga ng mga materyales sa pagtatanim ng gulay, ipinagkaloob ng DA-SAAD

SAN JOSE, Occidental Mindoro (PIA) -- Umabot sa P600,000 halaga ng mga materyales sa pagtatanim ng gulay, ang ipinagkaloob ng Special Area for Agricultural Development ng Department of Agriculture (DA-SAAD), sa anim na benepisyaryong samahan nito sa mga bayan ng Calintaan at Sablayan kamakailan.
Layon ng programa na higit na paunlarin ang produksyon ng gulay sa mga nabanggit na bayan, kung saan may malaking ambag ang mga samahan ng mga magsasakang tinutulungan ng DA-SAAD.
Kabilang sa mga tumanggap ng tulong ang Mahihirap na Kababaihan Nagkakaisa (SAMAKANA) at Young Farmers Real Food Association mula Calintaan. Bawat samahan ay binigyan ng 2,838 assorted vegetable seeds at 20 sets garden tools. Parehong may lawak na kalahating ektarya ang communal garden na tinataniman ng gulay ng dalawang samahan.
Ang mga farmer associations (FA) naman mula Sablayan ay pinagkalooban ng 1,419 sets assorted vegetables at 10 sets garden tools. Ang mga ito ay ang Kabukid Farmer Associations, Zone 5 FA, Samahang Kababaihan ng Igorot, Bisaya, Mangyan, Alangan at Tagalog (SKIBMAT), at Samahang Kababaihang Masaya ng Mayba.
Sa social media post ng DA-SAAD Mimaropa, ay nakasaad ang mga pasasalamat ng mga benepisyaryong samahan na nagsabing ngayon lang naramdaman ang presensya ng gobyerno sa pamamagitan ng ipinagkaloob na tulong. Karamihan sa mga kasapi ng nabanggit na benepisyaryong FA ay mga Indigenous Peoples.
Sinabi ni Dianne Francis Gorembalem ng DA-SAAD, na prayoridad nilang tinutulungan ang mga magsasakang hindi kasapi sa lehitimong kooperatiba o samahan, na kabilang sa mga itinuturing na higit na nangangailangan ng tulong ng pamahalaan gayundin ang mga nakatira sa mga lugar na naapektuhan ng insurhensiya. (VND/PIA MIMAROPA)