LUNGSOD QUEZON, (PIA)-- Sa pangunguna ng Komisyon sa Wikang Filipino at Pambansang Komisyong Pangkasaysayan ng Pilipinas, inilunsad noong Lunes ang pagdiriwang ng Buwan ng Wikang Pambansa at Buwan ng Kasaysayan.
Ang Buwan ng Wikang Pambansa ay idinaraos tuwing Buwan ng Agosto alinsunod sa Proklamasyon Blg. 1041 na nilagdaan noong 1997 at isinasagawa ngayong taon sa temang "Filipino at mga Katutubong Wika: Kasangkapan sa Pagtuklas at Paglikha".
Samantala ang Buwan ng Kasaysayan naman ay isinasagawa sa parehong buwan alinsunod sa Proklamasyon Blg. 339 na nilagdaan noong 2012. Ang taunang pagdiriwang na ito ngayong taon ay may temang "Kasaysayan, Kamalayan, Kaunlaran."
Ang pagpapasinaya ng pagdiriwang ay dinaluhan ng mga opisyal mula sa mga ahensiyang pangkultura kung saan nagbahagi ng mga mensahe ang mga kinatawan at nagkaroon din ng mga pagtatanghal mula sa mga kawani ng mga panauhing ahensiya.
Hinihikayat ang publiko na makiisa sa pagdiriwang at abangan ang mga gawain patungkol sa Buwan ng Wikang Pambansa at Buwan ng Kasaysayan ngayong Agosto!
Mangyaring bisitahin ang mga opisyal na pahina ng Komisyon sa Wikang Filipino at National Historical Commission of the Philippines para sa iba pang impormasyon. (KWF/PIA-NCR)