LUNGSOD CALOOCAN, (PIA) --Bilang patunay na kakampi ng bawat QCitizen ang pulisya at lokal na pamahalaan, nakipagkasundo kahapon ang Quezon City People’s Law Enforcement Board (PLEB) sa Philippine National Police-Internal Affairs Service (PNP-IAS).
Sa pamamagitan ng Memorandum of Agreement ng QC PLEB at IAS na kauna-unahan sa buong bansa, ang sinuman ay malayang makakapili kung saang disciplinary body (PLEB o PNP-IAS) nila gustong maghain ng reklamo at mag-report ng pang-aabuso ng mga pulis.
Naging kinatawan ng lungsod sa MOA signing ceremony si PLEB Executive Officer Atty. Rafael Calinisan habang si Inspector General Atty. Alfegar Triambulo para sa PNP-IAS. Naging saksi naman dito sina Quezon City Mayor Joy Belmonte, NCRPO Director P/MGen Felipe Natividad at QCPD Director P/BGen Remus Medina.
Ayon kay Mayor Joy Belmonte, ang kasunduan ay magpapatunay na pinapangalagaan ng pamahalaan at pulis ang taumbayan upang maitaas pa ang kanilang tiwala sa mga may kapangyarihan.
Umaasa naman si Gen. Natividad at Gen. Medina na susundan rin ng iba pang police district sa loob at labas ng Metro Manila ang kasunduan ng QC PLEB at IAS. (QC PAISD/PIA-NCR)