LUNGSOD QUEZON (PIA) --Sinimulan na ng Taguig, kasama ang mga lingkod-bayan mula sa satellite offices ng lungsod, ang pagdiriwang ng History Month ngayong buwan ng Agosto na may temang “Kasaysayan, Kamalayan, Kaunlaran”.
Bilang bahagi ng selebrasyon, nagtayo ang lokal na pamahalaan ng “Sulyap sa Kasaysayan” photo exhibit upang malaman ng ating mga kababayan ang mga makasaysayang lugar at pangyayari sa lungsod. Ang exhibit ay maaaring makita ng mga Taguigeño at iba pang mga nais bumisita sa Taguig City Auditorium.
Ibinahagi rin ni Creative Head Chi Bocobo, kasama ang Republica Filipina Reenactment Group, ang librong “Taguig: Our Probinsyudad” na tumatalakay sa kasaysayan ng Taguig mula sa partisipasyon ng mga Taguigeño at historians. Ito ay ibabahagi sa mga silid aklatan at kagawaran ng lungsod upang pagyamanin pa ang kasaysayan ng Taguig.
Nagpaligsahan naman ang mga kawani ng lungsod tungkol sa kasaysayan ng Taguig at bansa sa maikling patimpalak na Taguig Henyo Quiz Bee.
Ayon kay Mayor Lani Cayetano, ang pagmamalasakit sa kasaysayan ay mahalaga bilang respeto sa ating mga ninuno at bilang mga Taguigeño.
Dagdag pa ni Vice Mayor Arvin Alit, kailangan din magtanong at magsiyasat tungkol sa kasaysayan dahil ito ay makakatulong at magsisilbing gabay sa ating pag-unlad bilang isang komunidad.
Ang Taguig ay kaisa ng bansa sa pagpapayabong ng mga kaalaman at karanasan ng kahapon. Bilang isang lungsod na puno ng kasaysayan, ipagpapatuloy ng Taguig ang mga programang nakatuon sa pagpapahalaga ng mga aral na iniwan ng ating mga bayani at ninuno. (PIO Taguig/PIA-NCR)