LUNGSOD QUEZON, (PIA) -Naging sentro sa ginanap na pagpupulong sa Taguig ang talakayan tungkol sa RA 6969 o Hazardous Waste Management Act na nagtuturo ng tamang pagtatapon ng mga basura na maaaring magdulot ng panganib.
Nagpulong ang Environment and Natural Resources Livelihood Technology Advocates Group na dinaluhan ng mga kinatawan mula sa iba’t ibang siyudad sa NCR Miyerkules, Agosto 10 na ginanap sa Mercado De Lago, Brgy. Lower Bicutan, Lungsod Taguig.
Ibinahagi din ng kinatawan mula sa Toxic and Hazardous Wastes Research, Development and Extension Center, Ms. Ma. Salvacion Samson, Senior Science Research Specialist ang kanilang development technologies tulad ng Floating Garden Phytoremediation Technology na may layuning makatulong upang mabawasan ang mga water pollutant sa mga anyong tubig sa bansa.
Ipinresenta rin ng mga kinatawan mula sa mga lungsod ang iba’t-ibang proyekto at programa na kanilang ipinatutupad sa kanilang lungsod bilang kontribusyon sa patuloy na kampanya sa pagsugpo ng polusyon, pangangalaga ng kalikasan at pagbibigay ng pangkabuhayan sa mamamayan ng kanilang lungsod.
Patuloy na nagpapatupad ang Pamahalaang Lungsod ng Taguig ng mga programang pangkalikasan tulad ng Greening projects, Cleaning projects, Solid and Liquid Waste Management, Parks and City Maintenance, Takakura Composting, Plants Replenishment and Tree Planting projects. Mayroon ding Livelihood program na tumutulong sa pangkabuhayan ng mga Taguigeño. (PIO Taguig/PIA-NCR)