LUNGSOD QUEZON, (PIA) -- Suportado ng Department of Agriculture (DA), sa pamamagitan ng National Livestock Program (NLP) nito, ang nalalapit na Livestock Expo Philippines, kung saan dadalo at magtitipon-tipon ang mga stakeholders upang isulong ang industriya ng paghahayupan sa bansa.
Gaganapin mula Agosto 24 hanggang 26, 2022 sa World Trade Center Manila, Pasay City, nagsisilbing lunduyan ng mga makabagong teknolohiya at solusyon, mga kumperensiya at teknikal na seminar, at maging pakikipag-ugnayan sa mga kabahagi sa industriya.
Kabilang naman ang DA Livestock Group sa mahigit 200 exhibitors na magtatampok ng kani-kanilang mga serbisyo, teknolohiya, at iba pang inobasyon sa nasa 10,000 kalahok mula sa iba’t ibang sektor ng paghahayupan.
Tampok sa corporate booth ng Kagawaran ang mandato ng DA livestock offices—partikular na ng NLP, Bureau of Animal Industry (BAI), the National Dairy Authority (NDA), National Meat Inspection Service (NMIS), at Philippine Carabao Center (PCC)—na magbahagi ng de-kalidad na serbisyo at maghatid ng mas maraming oportunidad para sa livestock farmers at sa mga kaugnay na organisasyon at negosyo sa bansa.
Tampok din sa DA corporate booth ang Agricultural Training Institute (ATI) bilang isang capacity-building agency, ang Philippine Council for Agriculture and Fisheries (PCAF) bilang participatory hub ng DA, at mga government financial institutions na Agricultural Credit Policy Council (ACPC), Development Bank of the Philippines (DBP), at Land Bank of the Philippines (LBP) bilang mga tagapaghatid ng mga suportang kredito sa livestock farmers at farmer-organizations.
Samantala, bibida rin sa magaganap na expo ang mga produktong karne, gatas, at iba pa ng DA livestock offices at kani-kanilang accredited sites, na katibayan ng kasiglahan at kasaganaan ng Philippine livestock industry sa lokal at internasyonal na merkado. Lalahok din ang PCC sa cooking demonstrations kasama ang Pinoy executive chef na si Francis Sibal.
Magbabahagi rin ang ilang dalubhasa mula sa Kagawaran ng kanilang mga kaalaman tungkol sa livestock production, mga hamon sa industriya, biosecurity, at marami pang iba sa nalalapit na event.
Inorganisa ang Livestock Expo Philippines ng Informa Markets, ang trading division ng Informa Group na espesyalista sa pagbubuo ng exhibitions at mga plataporma para sa samot-saring industriya at specialist markets sa mundo. (DA/PIA-NCR)