LUNGSOD QUEZON (PIA) -- Ibinalita ng Kalihim ng Kagawaran ng Pananalapi na si Benjamin Diokno na ang World Bank (WB) ay lubos na sumusuporta sa pamahalaan sa hangarin nitong gawing digital ang mga serbisyo at gawing moderno ang burukrasya.
“I am very pleased to hear of the World Bank’s willingness to extend support for further digitalizing our revenue agencies and modernizing civil service in line with the President’s goal of rightsizing the bureaucracy (Lubos akong nalulugod na malaman ang pagpayag ng World Bank na magbigay ng suporta para sa higit pang pag-digitize ng ating ahensya at pagbibigay ng makabagong serbisyo sibil alinsunod sa layunin ng Pangulo na gawin ang rightsizing sa pamahalaan),” ani Diokno sa isang tweet nitong Lunes, kasunod ng kanyang courtesy call meeting kasama ang World Bank Group Country Director na si Ndiame Diop.
Nagpulong sina Diokno at Diop upang talakayin ang planong digitalisasyon, at pagpapalawak ng kooperasyon sa pagitan ng Pilipinas at ng WB batay sa socioeconomic priorities ng administrasyong Marcos.
Ang administrasyon ng Pangulong Ferdinand "Bongbong" Marcos Jr. ay nagpapatupad ng komprehensibong 8-point socioeconomic agenda na kinabibilangan ng mga hakbang upang mapahusay pa ang digitalisasyon sa bansa para sa pagpapabuti ng pangangasiwa ng buwis at pagpapalawak ng financial inclusion.
Sinabi rin ni Diokno na layunin niyang i-digital ang kalahati ng lahat ng retail na pagbabayad at ipasok ang 70 porsiyento ng populasyon na nasa hustong gulang sa pormal na sistema ng pananalapi sa 2023. Ito ay isang layunin na itinakda niya noong siya pa ay gobernador ng Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP).
Kasalukuyang sinusuportahan ng WB ang digitalisasyon ng Bureau of Customs (BOC) sa pamamagitan ng USD 88.28 million na tulong pinansyal para sa Philippine Customs Modernization Program. Nakatuon ang proyekto sa paglilipat mula sa manu-mano at de-papel na proseso tungo sa isang modernong BOC, at inaasahang makakamit nito ang pandaigdigang pamantayan at ganap na modernisasyon sa taong 2024.
Sa pagpupulong, sinabi ni Diokno na layunin ng gobyerno na ituloy ang civil service modernization project ng Civil Service Commission (CSC) na kinakailangan sa gagawing rightsizing sa pamahalaan.
Ayon kay Diop, pinatutunayan ng patuloy at matibay na partnership ng WB at Pilipinas ang pagbibigay pa ng mas mataas na suporta nila sa bansa.
Nitong Marso ngayong taon, ang WB ang naging pangatlo sa pinakamalaking Official Development Assistance (ODA) partner ng bansa, na nagbigay ng pautang at grant na humigit-kumulang USD 6.86 milyon o 23.38 porsiyento ng kabuuang ODA na natanggap ng Pilipinas.
Sinuportahan ng WB ang 68 programa at proyekto ng gobyerno mula noong 2021 o sa nakalipas na tatlong administrasyon na may kabuuang halagang USD 14.9 bilyon.
Sa kasalukuyan, sinusuportahan ng WB ang pagpapatupad ng 15 nagpapatuloy na programa at mga proyekto sa larangan ng transportasyon, rural development, pagharap sa kalamidad, social protection, modernisasyon sa BOC, at pagresponde sa COVID-19 na nagkakahalaga ng USD 4.96 bilyon.
Ang mga pautang na nakalinya sa ilalim ng kasalukuyang administrasyon ay kinabibilangan ng iba't ibang mga programa at proyekto sa kalusugan at nutrisyon, edukasyon, renewable energy, pangisdaan, transportasyon, turismo, agrikultura, at karagdagang mga reporma sa sektor ng pananalapi.
Tinitignan din ng Kagawaran ng Pananalapi ang pag-tap sa magagamit na pondo mula sa WB para sa mga sakuna, kabilang ang kamakailang malakas na lindol na nakaapekto sa hilagang-kanlurang Luzon. (PIA-NCR)