LUNGSOD NG KIDAPAWAN, Lalawigan ng Cotabato (PIA)—Isa sa mga itinampok na aktibidad, sa nagpapatuloy na pagdiriwang ng ika-75 anibersaryo ng Kidapawan at Kasadya sa Timpupo 2022, ang ginanap nitong Lunes na book launching ng kasaysayan ng siyudad.
Ang aklat na may pamagat na Proclivities: Stories of Kidapawan ay sinulat ni Karlo Galay David. Laman nito ang mga maiikling kwento na nagpasalin-salin mula sa mga ninuno hanggang sa kasalukuyang henerasyon na naging bahagi na ng kasaysayan ng Kidapawan.
Sa kanyang mensahe sa book launching, binigyang-diin ni Kidapawan City Mayor Atty. Paolo Evangelista ang kahalagahan ng paggalang at pagkilala sa kasaysayan. Dagdag pa ng alkalde, mahalaga ang paglingon sa nakaraan upang makilala nang ganap ang sariling pinagmulan.
Samantala, pinasalamatan naman ni David ang lahat ng mga dumalo sa book launching at mga tumangkilik sa kanyang libro at lahat ng sumuporta sa kanyang gawain.
Mabibili ang aklat na Proclivities sa Gaisano Grand Mall sa halagang P550. (With reports from CIO-Kidapawan)