LUNGSOD NG KIDAPAWAN, Lalawigan ng Cotabato (PIA) -- Abot sa 4,813 indibidwal dito sa lalawigan ang nakinabang sa medical and dental outreach program ng pamahalaang panlalawigan na sinimulan noong Hulyo 28, 2022.
Ang mga benepisyaryo ay mula sa mga barangay ng Kalawaig at Pantar sa Banisilan; Molok at Upper Baguer sa Pigcawayan; Binoongan at Salasang sa Arakan; Luanan at Pagangan sa Aleosan; Mapurok at Raradangan sa Alamada; Macasendeg at Bagumba sa Midsayap; Langayen sa Pikit; Luhong at Kiyaab sa Antipas; F. Cajelo at Mabuhay sa President Roxas; Kamada sa Magpet; Dunguan at New Janiuay sa M’lang; Dalapitan at Latagan sa Matalam; Kibenes at Macabenban sa Carmen; Bunawan sa Tulunan, at San Isidro sa Kidapawan City.
Ayon sa Integrated Provincial Health Office o IPHO, maliban sa mga serbisyong medikal at dental, isinagawa rin ang libreng tuli at pagbibigay ng bakuna kontra COVID-19. Katuwang ng Serbisyong Totoo Medical Team sa programa ang Armed Forces of the Philippines at Philippine National Police.
Nabatid na isa sa mga prayoridad ng administrasyon ni Governor Emmylou Mendoza ang pagbibigay ng dekalidad na serbisyong medikal sa mamamayan.
Inaasahan namang maisasagawa rin sa iba pang mga barangay ang kahalintulad na aktibidad. (With reports from IDCD-PGO)