LUNGSOD NG COTABATO (PIA) -- Tinalakay ni Sharihana Guerra-Sali, chief insurance officer ng Philhealth-BARMM, ang benepisyong nakapaloob sa programang Konsultasyong Sulit at Tama o 'Konsulta Package' ng PhilHealth.
Sa programang Talakayang Dose ng Philippine Information Agency Region XII, sinabi ni Guerra-Sali na layunin ng programa na mabigyan ng agarang access at dekalidad na serbisyong medikal ang mga miyembro ng PhilHealth ayon sa nakasaad sa Universal Health Care Law.
“Dito sa konsulta, napapabilang dito ang mga serbisyo gaya ng konsultasyon, laboratory exam, at mga libreng gamot na maaaring makuha sa accredited konsulta providers. So dapat yung napili nilang RHU, city health, o mga clinics ay dapat accredited na konsulta providers,” pahayag ni Guerra Sali.
Dagdag pa ni Guerra-Sali na ang mga miyembrong nagnanais na maka-avail ng serbisyo ay maaaring magtungo sa pinakamalapit na clinic o ospital sa kanilang lugar na naka-rehistro bilang konsulta provider ng PhilHealth.
Samantala, binanggit din ni Guerra-Sali ang mga konsulta accredited Rural Health Unit (RHU) at ospital sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao. Kabilang dito ang Sultan Kudarat RHU, Datu Blah Sinsuat RHU, North Upi RHU, Sultan Mastura RHU, Parang RHU, South Upi RHU, Northern Kabuntalan RHU, Salipada K. Pendatun RHU, Datu Paglas RHU, Ampatuan RHU, Paglat RHU, Buluan RHU, Datu Piang RHU, Maguindanao Provincial Hospital, Eros Medical Hospital, Shariff Saydona Hospital, at Sulaik Clinic and Hospital.