Sa ilalim ng Medium-Term Fiscal Framework (MTFF) ng administrasyong Marcos, layunin ng pamahalaan na ibaba ang debt-to-GDP ratio ng bansa sa mas mababa sa 60 porsiyento pagsapit ng 2025, at bawasan ang deficit-to-GDP ratio mula sa kasalukuyang 6.5 porsiyento patungo sa 3.0 porsyento sa 2028.
“The implication is clear: we do not have to borrow as much as we did during the crisis years (Malinaw ang implikasyon: hindi na natin kailangang mangutang gaya ng ginawa natin noong mga taon ng krisis),” ani Diokno.
Samantala sinabi ni Diokno sa briefing na ang maingat na diskarte sa pamamahala ng utang ng gobyerno ay nagbigay-daan sa bansa na mapangalagaan ang kanilang mga sovereign ratings sa gitna ng paglaki ng mga downgrade.
Nauna nang nagpahayag ng kumpiyansa si Diokno na walang mga pagbaba sa credit rating ng bansa, dahil ang administrasyong Marcos ay gumawa ng isang komprehensibong plano sa ekonomiya na magpapalakas ng kumpiyansa ng mga mamumuhunan at matitiyak ang mabilis na usad upang maka bawi.
Binanggit niya na sa kabila ng dalawang taong pandemya, pinagtibay ng mga rating agencies ang investment grade rating ng bansa, habang ibinababa ang rating ng halos karamihan ng mga umuusbong na ekonomiya at maging ang ilang mauunlad na bansa.
Sinabi rin ni Diokno sa mga senador na ang pinahusay na sistema ng buwis na pinasimulan ng administrasyong Duterte ay nagbigay katiyakan na matutugunan ng gobyerno ang mga obligasyon nito. (PIA-NCR)