LUNGSOD NG COTABATO (PIA) -- Mas pinalalakas pa ngayon ng pamahalaan ng Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM) sa pamamagitan ng Bangsamoro Information Office (BIO) ang pagsusulong ng information campaign.
Ito ay matapos ilunsad ng BIO ang bagong regular na pulong balitaan nito na tinawag na ‘Usapang Bangsamoro’ bilang isa sa mga pagsisikap ng tanggapan na masiguro na ang mamamayang Bangsamoro ay may alam pagdating sa mga bagong update sa rehiyon.
Sa unang episode ng programa ay umupo bilang mga panelist sina BARMM Cabinet Secretary Mohd Asnin Pendatun, BIO Executive Director Ameen Andrew Alonto, at Consortium of Bangsamoro Civil Society (CBCS) Chairperson Guiamel Alim upang sagutin ang mga tanong ng media.
Layunin din ng ‘Usapang Bangsamoro’ na mas palawakin pa ang naabot na mensahe ng pamahalaan ng BARMM sa pamamagitan ng pakikipag-ugnayan ng national at international media partners. Ito ay isasagawa tuwing ika-2 at ika-4 linggo ng buwan.
Samantala, kasabay ng nasabing aktibidad ay lumagda rin sa isang Memorandum of Understanding ang BIO kasama ang CBCS upang gawing pormal ang pagpapaigting ng information dissemination sa rehiyon. (With reports from BIO-BARMM).