Isa ang Bgy. Punang sa Bayan ng Sofronio Española kung kaya't nakasama ito sa mga lugar na nilagyan ng PDRRMO-Palawan ng 'early warning signages.' (Larawan mula sa PDRRMO-Palawan)
PUERTO PRINCESA, Palawan (PIA) -- Upang mabigyan ng babala ang mga residente ng bawat komunidad sa lalawigan, partikular ang mga lugar na may nakaambang panganib o may banta ng pagbaha, landslide at storm surge ay naglagay dito ang Palawan Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office (PDRRMO) ng mga early warning sign.
Ayon sa PDRRMO-Palawan, ang mga ito ang magsisilbing maagang babala para sa lahat kung anong uri nang sakuna ang maaaring maranasan ng isang komunidad o lugar.
Nauna nang nakapaglagay ng signages ang PDRRMO sa Southern Palawan partikular sa Bgy. Malatgao sa bayan ng Narra at Bgy. Pangobilian sa bayan ng Brooke’s Point na maaaring makaranas ng storm surge; sa Bgy. Panitian sa bayan ng Quezon at Bgy. Punang sa bayan ng Sofronio Española na may posibilidad ng pagbaha.
Sa Northern Palawan naman ay sa bayan ng San Vicente at Dumaran na kalimitang nakararanas ng landslide o pagguho ng lupa; at sa bayan ng Roxas na posibleng makaranas ng storm surge at landslide.
Maliban sa mga lugar na nabanggit ay patuloy pa rin ang paglalagay ng PDRRMO-Palawan ng signages sa iba pang lugar sa lalawigan na may nakaambang panganib.
Sinabi rin ni PDRRM Officer Jeremias Y. Alili na malaking tulong ang paglalagay ng mga early warning signages na ito upang mabigyan ng babala ang mga mamamayan sa mga lugar na maaaring magdulot ng panganib lalo na sa panahon ng kalamidad.
Ito rin ay isa mga hakbangin ng Pamahalaang Panlalawigan ng Palawan sa pamamagitan ng PDRRMO-Palawan tungo sa Listo, Matatag at Panatag na Palawan. (OCJ/PIA-MIMAROPA, Palawan)