LUNGSOD NG COTABATO (PIA) -- Inanunsyo ng Philippine Statistics Authority ng Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (PSA-BARMM), sa ginanap na pulong-balitaan kamakailan, ang paglulunsad ng primary data collection nito na tinawag na Community-Based Monitoring System o CBMS na tatakbo mula Agosto hanggang Oktubre sa buong rehiyon.
Sa ilalim ng Republic Act No. 11315, ang CBMS ay tumutukoy sa isang organisadong sistemang nakabatay sa teknolohiya ng pagkolekta, pagproseso, at pagpapatunay ng pinaghiwa-hiwalay na datos na maaaring gamitin para sa pagpaplano, pagpapatupad ng programa at pagsubaybay sa epekto sa lokal na antas habang binibigyang kapangyarihan ang komunidad na lumahok sa proseso.
Target ng PSA-BARMM na isagawa ang data collection sa 469 na mga barangay sa loob ng 6th at 5th income class municipalities sa rehiyon ng BARMM.
Sa kanyang naging pahayag, binigyang-diin ni PSA-BARMM OIC-Regional Director Engr. Akan Tula ang mahalagang papel na ginagampanan ng mga lokal na pamahalaan sa statistical activity na nakasaad sa implementing rules and regulations ng CBMS Act.
Dagdag pa ni Tula, ang tanggapan ng information and communications technology ng BARMM ay kasama rin sa storing at pag-secure ng data.
Ang CMBS data collection ay isinasagawa kada tatlong taon. Alinsunod dito, ang data collection ngayong taon ay mas komprehensibo kaysa sa nakaraan dahil mas maraming tanong ang idinagdag. Ang data collection ay nagsimula noong Agosto 8 at magtatapos sa Oktubre 6. (With reports from BIO-BARMM).