LUNGSOD QUEZON (PIA) –- Balik na sa physical drill at functional exercise ang isasagawang ikatlong NSED ng taon matapos ang mga nagdaang online NSED dahil sa dinaranas na pandemya.
Dahil dito, muling inanunsyo ng pamunuan ng Office of Civil Defense (OCD) sa kanilang Facebook page ang kanilang paanyaya sa publiko na makilahok sa gaganaping third quarter Nationwide Simultaneous Earthquake Drill (NSED) sa 08 Setyembre (Huwebes) sa ganap na ika-siyam ng umaga.
Sa panayam sa dating tagapagsalita ng OCD na si G. Mark Timbal, iminumungkahi na nitong sumali sa nasabing aktibidad ang mga estudyante na ngayo’y nagsibalik na sa face to face na klase.
Sa kabila nito, mariin pa ring pinaaalalahanan ang publiko na patuloy na tumalima o sumunod sa minimum health standards bilang pag-iingat pa rin sa COVID-19.
Gaganapin ang ceremonial pressing of the button at functional exercise sa Ayala Property Management Corporation Headquarters katuwang ang lokal na pamahalaan ng Makati at Ayala Corporation. Magsisimula ang programa ng ikawalo ng umaga.
Samantala, inaanyayahan din ang lahat sa isang disaster preparedness webinar na gaganapin sa 05 Setyembre 2022 bilang bahagi pa rin ng NSED.
Mapapanood ang nasabing webinar at livestream ng ceremonial pressing of the button sa Civil Defense PH Facebook page at Youtube channel. (PIA-NCR)