(Kuha mula sa DSWD NCR)
LUNGSOD SAN JUAN, (PIA) -- Inanunsyo ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) National Capital Region (NCR) na simula Agosto 27, at sa mga susunod na araw ng Sabado hanggang Setyembre 24, ay wala ng walk-in ang papaunlakan ng kagawaran sa pamamahagi ng educational assistance nito, at tanging mga aplikante lamang na nakatanggap ng iskedyul at text confirmation mula sa DSWD - NCR.
Bukod pa rito, bibigyang prayoridad ng DSWD NCR ang mga estudyanteng nag-aaral sa pampublikong paaralan.
Pabatid naman ng DSWD na hindi kabilang ang mga miyembro o bahagi na ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program o 4Ps sa nasabing tulong pang-edukasyon.
Hindi na rin maaaring makatanggap ang mga estudyante na may scholarship grants o insentibo mula sa Department of Education (DepEd), Commission on Higher Education (CHED), mga lokal na pamahalaan, sponsor ng sinumang indibidwal, Non-Government Organizations (NGOs), Department of Science and Technology (DOST) scholars, o anumang uri ng scholarship.
Para sa mga kwalipikadong mag-aaral o mga magulang ng mag-aaral, magparehistro sa link na ito: https://forms.gle/4KohFYnbamsyiNGJ6 o i-scan ang QR code at alamin ang susunod na mga hakbang na nasa ibaba:
Hinihikayat naman ng DSWD - NCR ang mga magulang o guardian na kukuha ng educational assistance, na iwasan ang pagsama ng anak o maliliit na bata sa araw ng iskedyu ng payout.
Para naman sa karagdagang detalye o abiso patungkol sa educational assistance payout, sundan at antabayanan ang official Facebook page ng DSWD NCR: https://web.facebook.com/dswdfoncr. (PIA-NCR)