LUNGSOD QUEZON (PIA) -- Patuloy na pinapalakas ng Bureau of Internal Revenue (BIR) ang kanilang kampanya laban sa katiwalian sa pamamagitan ng modernisasyon ng kanilang mga operasyon gamit ang teknolohiyang "digitalization."
Tinukoy ni Finance Secretary Benjamin Diokno na ang digitalization ang susi sa pagbabago at pagpuksa ng korapsyon sa loob ng BIR.
Ang Digital Transformation (DX) Program ng BIR ay naglalayong gawing isang “data-driven” na organisasyon ang Bureau sa pamamagitan ng pagkakaroon ng “digitally-empowered workforce” na may kakayahang gamitin ang mga digital na teknolohiya upang mapabuti ang mga serbisyo ng BIR at mapahusay pa ang karanasan ng mga nagbabayad ng buwis.
Noong 2021, 93 porsiyento ng mga pagbabayad ng buwis ay inihain sa elektronikong paraan, at sila ay inalok ng mas maginhawang paraan upang magbayad ng mga buwis dahil ang mga serbisyo ng BIR ay ginawang available 24/7.
Bukod sa digital transformation, isinusulong din ni BIR Commissioner Lilia Guillermo ang moral transformation sa loob ng organisasyon sa pamamagitan ng value-formation courses.
Sa kanilang malawak na digitalization programs sa ilalim ng nakaraang administrasyon, napanatili ng BIR ang kanilang mga operasyon sa buong pandemya at nalampasan pa ang kanilang target na koleksyon. Nakabuo ng kabuuang P2.1 trilyon noong 2021, na mas mataas ng P5.1 bilyon kaysa sa target nito para sa taon.
Samantala, hinimok ni Commissioner Guillermo ang publiko na makipagtulungan sa gobyerno sa pamamagitan ng paglipat sa mga digital channel para sa kanilang mga transaksyon sa gobyerno. (PIA-NCR)