LUNGSOD NG COTABATO (PIA) -- Hinikayat ng Ministry of Health ng Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (MOH-BARMM) ang publiko na sundin ang "4S strategy" upang maiwasan ang dengue outbreak sa rehiyon.
Ang 4S strategy ay Search and Destroy’, ‘Self Protection Measure’, ‘Seek early consultation’, at ‘Support fogging’.
Ayon kay Nurse Ron Aray, MOH Coordinator on Dengue and Emerging and Re-emerging Infectious Disease Program, ang dengue ay isang sakit na mabilis kumalat. Kaya naman mahalaga para sa lahat na sundin ang "4S strategy".
Sinabi ni Aray na kabilang sa sintomas ng dengue ang lagnat, sakit ng ulo, pananakit sa likod ng mata, pananakit ng kalamnan at kasukasuan, matinding pagkapagod, at mga pantal.
Nabatid na ang MOH ay nakikipagtulungan din sa iba’t ibang lokal na pamahalaan sa rehiyon sa pagpapatupad ng "4S strategy" sa mga komunidad. Ang ministry ay nagbibigay din ng anti-dengue supplies katulad ng insecticides sa mga Rural Health Unit at City Health Office sa BARMM.
Samantala, mula Enero 1 hanggang Agosto 13, nakapagtala ang Regional Epidemiology and Surveillance Unit ng MOH ng abot sa 2,124 na kaso ng dengue sa rehiyon. Limampu't apat na porsyento mula sa nasabing bilang ng mga naitalang kaso ay mga bata na may edad 10 pababa. (With reports from BIO-BARMM).