No. of :

No. of Shares:

Currently viewed by: Marcus Rosit

Pang. Marcos, binigyang parangal ang mga bayani at makabagong bayani ng bansa

Photos courtesy of the Office of the President FB page

LUNGSOD QUEZON, (PIA) -0- Sa pagdiriwang ng Pambansang Araw ng mga Bayani, pinangunahan ng Pangulong Ferdinand "Bongbong" Marcos Jr. ang pagbibigay pugay sa mga bayani ng bansa nitong Lunes ng umaga sa Libingan ng mga Bayani, Taguig City.  

Kasabay ng pagbibigay parangal sa mga bayani ng bansa sa ipinamalas nilang tapang, malasakit at pag-ibig sa ating bayan, pinarangalan din ng Pangulo ang mga makabagong bayani ng bansa.

Sa araw na ito, pinararangalan natin ang ating mga makabagong bayani ng ating panahon dahil sa kanilang malasakit at kabutihang loob, naging mas mabuti ang kalagayan ng ating bansa ngayon.”

Kinikilala ni Pang. Marcos, Jr. ang ating mga magsasaka at agricultural workers na nagsisikap upang matugunan ang pangangailangan para sa seguridad ng suplay ng pagkatin.

Pinasalamatan din ng Pangulo ang mga nasa sektor ng kalakalan at industriya para sa maunlad na ekonomiya.

May mga hamon man tayong hinaharap sa nagdaang dalawang taon, patuloy pa rin nilang binuksan ang kanilang mga negosyo para sa publiko.”

Ayon sa Pangulo, kahanga-hanga ang kanilang pakikiisa sa pamahalaan lalo na’t may mga negosyong tapat na nagbabayad ng kanilang empleyado.

Pinarangalan din ni Pang. Marcos, Jr. ang lahat ng mga manggagawang Filipino na nagtatrabaho ng buong husay at buong dangal.

Gayundin, pinapurihan ng Pangulo ang mga guro at mga kawani sa sektor ng edukasyon sa kanilang ‘di matatawarang dedikasyon ngayong balik-paaralan na ang mga kabataan.

Binigyang pugay din ni Pang. Marcos, Jr. ang mga manggagawa sa sektor ng kalusugan na patuloy na nakikipag-sapalaran sa panganib kalakip ng kanilang sinumpaang tungkulin sa patuloy na hamon ng pandemya dulot ng COVID-19.

Kasama ring binigyang parangal ng Pangulo ang mga kapulisan, mga sundalo, mga opisyales ng barangay, community leaders, maging ang mga ecological warriors, at iba pang sektor na ayon sa Pangulo, sa kani-kanilang paraan at tungkulin ay patuloy na naglilingkod sa bayan at sa kapwa mamamayan.

Hindi rin kinalimutan ni Pang. Marcos, Jr. na bigyang parangal ang mga overseas Filipino workers (OFWs) na aniya, nagsasakripisyo sa ibayong dagat upang mabigyan ng magandang kinabukasan ang kanilang mga mahal sa buhay.

Siniguro rin ng Pangulo ang kaligtasan ng ating mga OFWs sa kabila ng mga pagsubok na hinaharap.

Gayundin, kinilala ng Pangulo ang ating mga magigiting na beterano na nakipaglaban noong panahon ng digmaan.

Makakaasa kayo, na ang pamahalaang ito ay mananatiling aktibo sa pagsusulong ng mga programang tutugon sa inyong mga pangangailangan.”

Inanunsyo ni Pang. Marcos, Jr. ang pagpapatayo ng mga ospital sa Visayas at Mindanao para sa mga beterano, kaisa ang Philippine Veterans Affairs Office.

Inanyayahan din ng Pangulo ang publiko na makiisa sa vaccination program upang mapangalagaan ang kalusugan.

Ito ang panahon upang pagtibayin ang ating lakas at maghanda sa mabilis at siguradong pagbangon ng ating ekonomiya. Manalig tayong sisikat at sasapit din ang mas ligtas at mas masaganang kinabukasan para sa ating lahat.”

Winika rin ng Pangulo na ang kolektibong lakas ang maghahatid sa atin sa rurok ng tagumpay gaya ng ipinamalas sa atin ng kasaysayan.

Umaasa ako na sa halimbawa ng ating mga dakilang bayani, higit nating isasabuhay ang kanilang ipinakitang pag-ibig sa bayan at ipinagtatanggol, at ipinaglalaban nilang panata sa kabutihan.”

Buong tapang nawa nating harapin ang anumang hamon sa hinaharap ng may tiwala tayo na higit na lalakas at magiging matagumpay kung tayo ay patuloy na magkakaisa at magtutulungan bilang isang bansa.(PIA-NCR)

About the Author

Jimmyley Guzman

Information Officer III

NCR

Feedback / Comment

Get in touch