DOH-MIMAROPA, ibinahagi ang dahilan sa mababang bilang ng booster shots sa OccMdo

SAN JOSE, Occidental Mindoro (PIA) -- Inilahad ng Department of Health (DOH) Mimaropa sa idinaos na PinasLakas Virtual Press Conference kahapon ang mga pangunahing dahilan kung bakit nananatiling mababa ang bilang ng mga nagpapa-booster shot kontra COVID-19 sa Occidental Mindoro.
Unang binanggit ni DOH Assistant Regional Director Dr. Vilma Diez ang mga katutubo sa lalawigan. Aniya, marami sa mga ito ang nabigyan ng maling impormasyon tungkol sa bakuna at ang ilan ay naniniwalang magiging zombie ang matuturukan nito. Malaking balakid din ani Diez ang mga anti-vaxxers o mga grupo na kontra sa pagpapaturok ng bakuna. Marami aniya ang napapaniwala ng mga ito at nahikayat din ang ilang relihiyon na tanggihan ang pagpapabakuna.
Ayon kay Diez, isa pang dahilan ay ang takot mula sa mga namatay na iniuugnay ng ilan sa bakuna. Aniya, batay sa pag-aaral, napag-alaman na isa itong coincidental lamang. “Nagkataon o nakasabay na noong panahong ‘yon ay aatakihin na siya sa puso dahil hindi iniinom ang gamot, nagkataong nagka-COVID, kaya napagbintangan ang COVID,” paliwanag ni Diez.
Upang tugunan ang mga nabanggit na hamon, minabuti ng Provincial DOH katuwang ang Provincial at mga Municipal Health Office na magsagawa ng PinasLakas house-to-house visit, partikular sa indigent sector, upang personal na ipaliwanag ang kahalagahan ng booster shots at magturok na rin ng nasabing bakuna. Nagsagawa din ang Center for Health and Development, katuwang ang iba pang mga ahensya at ng Indigenous Peoples (IP) Congress upang imulat ang mga katutubo sa tamang impormasyon hinggil sa COVD-19 vaccines bilang proteksyon laban sa nakakamatay na virus.
Samantala, hinikayat ni Diez ang mga dumalong miyembro ng media na tumulong sa pagpapalaganap ng mga tamang balita at impormasyon hinggil sa COVID-19 vaccines. Ayon pa sa opisyal, dapat ding maipaunawa sa lahat na may sapat at takdang panahon ang bisa ng kumpletong bakuna at kinakailangan talaga ang booster shots upang mapanatiling may panlaban ang ating katawan laban sa COVID-19. (VND/PIA MIMAROPA)