LUNGSOD NG COTABATO (PIA) -- Mas pinalalakas pa ngayon ng pamahalaan ng Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM) ang kahandaan ng mga lokal na pamahalaan nito laban sa mga sakuna sa pamamagitan ng earthquake-tsunami simulation exercises na isinagawa sa mga bayan ng Picong, Lanao del Sur, at Datu Blah Sinsuat, Maguindanao.
Kabilang sa partisipante ang iba’t-ibang mga kawani ng lokal na pamahalaan sa nasabing mga probinsya.
Sa kanyang pahayag, binigyang-diin ni Bangsamoro Rapid Emergency Action on Disaster Incidence (READi) Executive Assistant Norhashim Sinarimbo ang kahalagahan ng disaster awareness at preparedness sa mga komunidad lalo na sa pagtugon sa kung ano ang dapat gawin tuwing may lindol at tsunami.
Samantala, sinabi ni Picong LGU representative Mamintal Balindong Jr. na ang nasabing simulation activity ay mahalaga para sa komunidad dahil ang kanilang bayan aniya ay prone sa lindol at tsunami.
Ang nasabing aktibidad ay pinangunahan ng Bangsamoro READi sa pakikipagtulungan ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology, Ministry of Health, local government units, at security sectors. (With reports from BIO-BARMM).