LUNGSOD NG BUTUAN -- Maliban sa mga proyektong naitatag na sa munisipyo ng Esperanza sa Agusan del Sur na pinapakinabangan ngayon ng mga residente, patuloy din ang pagpapatayo ng iba’t-ibang proyektong pangkaunlaran ng lokal na pamahalaan sa pangunguna ni Mayor Deo “Bambi” Manpatilan.
Kabilang dito ang konstraksyon ng Multi-Purpose Complex na malapit nang matapos, kung saan may nakalaang opisina ang mga ahensiya tulad ng Bureau of Fire Protection (BFP), Philippine National Police (PNP), Municipal Tourism Office, at Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office (MDRRMO).
Ayon kay Mayor Manpatilan, nais ng lokal na pamahalaan na mas maging proactive ang mga ahensiya sa kanilang lugar at agad ding makatugon sa mga pangangailangan ng mga mamamayan lalo na sa panahon ng emergency at disaster.
Magtatayo rin ng Terminal ang local government unit (LGU) para mas maging madali nalang ang transportasyon ng mga residente palabas at papasok ng Esperanza.
Pagdating sa Turismo, may dini-develop aniya ang LGU na mga bago at nakakamanghang caves na inaasahang makaka-engganyo ng maraming turista.
Dagdag pa ng alkalde, isa rin sa kanilang inisyatibo ang pagamit ng plastic bricks sa pagbuo ng mga dekorasyon sa iba’t-ibang tourist destination sa kanilang lugar.
“Sa simula mas marami kaming nagagawang produksyon ng plastic bricks dahil dati ina-allow pa ‘yung pagbili ng used oil mula sa mga fast food chains na ginagamit sa pagawa ng plastic bricks ngunit nang ipinagbabawal na ito, nahirapan na din tayong makakuha ng mga used oil. Kaya umaasa ang LGU na mapagbigyan ang ating request na makakuha pa rin ng used oil dahil mahalaga ito sa pagawa ng mga plastic bricks,” ani Mayor Manpatilan.
Binigyang-diin din ni Mayor Manpatilan na malaki ang naidulot ng Executive Order 70 ni dating Pangulong Rodrigo Duterte dahil maraming barangay ang nakinabang sa farm-to-market roads at iba’t-ibang programa at serbisyo ng mga kinauukulang ahensiya para sa mga Esperanzahanon.
“Dahil sa EO 70, maraming sektor ang natulungan lalo na ang ating mga farmers dahil sa farm-to-market roads na nakatulong na mas mapadali ang pag-deliver ng mga produkto. may mga kalsada na mula esperanza papuntang bukidnon, agusan del norte, at mga karatig-bayan,” pahayag ni Manpatilan. (JPG/PIA-Agusan del Sur)