LUNGSOD NG COTABATO (PIA) -- Abot sa 189 mag-aaral sa kolehiyo mula sa lungsod ng Cotabato ang nakatanggap kamakailan ng tig P10,000 cash bilang tulong pinansyal mula sa Ministry of Social Services and Development ng Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (MSSD-BARMM).
Ang nasabing tulong pinansyal ay bahagi ng Angat Bangsamoro: Kabataan Tungo sa Karunungan (ABaKa) program ng MSSD na naglalayong hikayatin ang kabataang Bangsamoro na maging produktibong mga miyembro ng komunidad.
Bawat benepisyaryo ay sumailalim sa mahigpit na validation at pagsusuri ng itinalagang social workers.
Umaasa naman si MSSD family and community welfare program focal person Minang Nagamora na sa pamamagitan ng ABaKa program, ang mga benepisyaryo ay magpapatuloy sa kanilang pag-aaral sa kabila ng mga paghihirap na kanilang nararanasan.
Target ng MSSD na mabigyan ng tulong pinansyal ang nasa kabuuang 1,382 mag-aaral sa elementary, high school, at college sa lungsod. Ang payout para sa natitirang mga benepisyaryo sa lungsod ay ipagpapatuloy sa mga susunod na mga araw. (With reports from Bangsamoro Government).