PRESIDENT ROXAS, Lalawigan ng Cotabato (PIA) -- Abot sa 7,300 punla ng niyog ang ipinamahagi nitong Martes sa 73 katutubo sa Sitio Lawitan, Barangay Kisupaan sa bayan ng President Roxas.
Ang pamimigay ng coconut seedlings ay bahagi ng Special Projects for IPs ng Provincial Governor’s Office-IP Affairs at Office of the Provincial Agriculturist.
Nabatid na ang ayuda ay nagkakahalaga ng P219,000 at ibinigay sa layuning matulungan ang mga magsasakang katutubo sa probinsya.
Kaugnay nito, nagpasalamat si Timuey Danny Villanon, sitio leader sa lugar, sa pamahalaang panlalawigan sa pagbibigay tulong sa mga magsasaka sa isa sa pinakamalayong sitio sa bayan. Masaya si Villanon sa tulong na natanggap ng kanyang nasasakupan gayong pagsasaka ang pangunahing pangkabuhayan sa kanilang komunidad.
Samantala, noong nakaraang linggo, abot sa 2,700 punla ng niyog din ang ipinamigay sa Sitio Kuyamangon sa Liliongan, Carmen.
Ang pagtulong sa mga magsasaka at pagpapalakas sa sektor ng agrikultura ay bahagi ng pagsusulong ng food security sa lalawigan ngayong panahon ng pandemya. (With reports from IDCD-PGO)