No. of :

No. of Shares:

Currently viewed by: Marcus Rosit

LTO traffic enforcers, isasailalim sa regular na pagsasanay sa pagpapatupad ng batas-trapiko

LUNGSOD CALOOCAN, (PIA) –Magsasagawa ang Land Transportation Office-Philippines (LTO) ng regular na pagsasanay sa mga traffic at law enforcement personnel nito upang higit na mapahusay ang kanilang pagganap ng tungkuling ipatupad ang mga regulasyon at batas-trapiko.

Sa pahayag ni LTO Chief Assistant Secretary Teofilo Guadiz III, ang regular na pagsasanay sa mga enforcer ay isa lamang sa mga programa sa ilalim ng pamumuno nito na layong tiyaking maipatutupad ng tama ang mga batas para sa kapakanan ng publiko. 

“Naniniwala ako sa kakayahan ng ating mga traffic enfocers, subalit mayroon pa rin namang dapat mahasa at madagdagan ang kaalaman pagdating sa kanilang ginagampanang tungkulin,” pahayag ni Guadiz.

“Kaya naisipan naming magsagawa ng mga regular na pagsasanay para madagdagan pa ang husay ng ating mga traffic enforcers sa pagpapatupad ng regulasyon at batas trapiko,” dagdag ni Guadiz.

Sa kasalukuyan, ang lahat ng traffic enforcers ng ahensya ay sumasailalim sa “once-a-year, live-in seminar” sa loob ng dalawang araw, sa layunin na maging pamilyar ang kanilang mga tauhan sa mga batas na maaaring nagkaroon ng pagbabago at maobserbahan din ang kanilang pag-uugali at kilos sa lansangan.

Planong gawing “mandatory” ang taunang pagsasanay na kahalintulad din sa ibang larangan upang masigurong hindi makalilimutan ng kanilang mga tauhan ang mga regulasyon at batas-trapiko sa bansa.

Sinabi pa ni Guadiz na ang pagsasanay ay hindi lamang nakatuon sa mga enforcer kundi maging sa lahat ng LTO district office chiefs sa bansa upang mahasa ang kanilang managerial skills.

“Ang tamang pagpapatupad ng batas trapiko ay mahalaga para sa LTO, dahil kami ay apprehending agency. Ang regular na pagsasanay ay makatutulong sa aming mga traffic enforcers upang matiyak na mayroon silang sapat na kaalaman sa mga ipinatutupad nilang batas at regulasyon,” dagdag pa ni Guadiz.

 Giit pa ng LTO chief na kung ang motorista ay kinakailangan na sumailalim sa pagsusulit bago mabigyan ng pribilehiyo na magka-lisensya ng pagmamaneho ay dapat din na ang kanilang traffic enforcers ay sumalang sa eksaminasyon hinggil sa nalalaman sa mga batas-trapiko. (LTO/PIA-NCR)

About the Author

Susan De Leon

Assistant Regional Head

NCR

IO 3

Feedback / Comment

Get in touch