LUNGSOD NG BUTUAN -- Bilang tulong sa mga magsasaka sa probinsya ng Agusan del Sur na magkaroon ng mataas na produksyon sa ani at kita, patuloy ang Department of Agrarian Reform (DAR) sa pagbibigay ng Certificate of Land Ownership Award (CLOA) upang magkaroon sila ng sariling lupa para sa kanilang sakahan.
Patuloy din ang DAR-Agusan del Sur Provincial Office sa pagbibigay ng support services sa mga magsasaka tulad ng pagbibigay ng fertilizer, farm equipment at mga malalaking proyekto.
Ito ang pagtitiyak ni DAR-Agusan del Sur Provincial Director Jamil Amatonding, Jr., habang ibinabahagi niya ang magagandang proyektong tinatamasa ngayon ng sektor. Aniya, layon ng ahensya na matutulungang umangat ang buhay ng mga magsasaka at masiguro ang food security sa probinsya.
“Sa munisipyo ng Trento, mayroong rice processing complex na ibinigay din natin sa ating mga farmer-beneficiaries na consisting of 2,000 hectares na irrigated rice field na pangalawa sa pinakamalaking rice mill complex sa buong Mindanao. Sa aspeto na iyan, makikita natin ‘yung empowerment na binigay natin sa kanila. Binigyan natin sila ng tractor, wing-van. Matapos ang isa o dalawang taon, nabigla kami kasi bumili sila agad ng pangalawang mas malaking wing-van, ibig sabihin sila mismo may profit na mahusay na sap ag-manage ng kanilang Negosyo,” ani Amatonding.
Binigyang-diin din ni Director Amatonding na sa kabila ng coronavirus disease-2019 (COVID-19) pandemic, patuloy ang kabuhayan ng sektor at aktibo sa operasyon ng kani-kanilang cooperatives.
May 152 farmer-organizations sa probinsya ng Agusan del Sur na mino-monitor ng DAR kung saan nakapagtala rin ng kabuuang gross sales sa halagang P150-million.
Dahil dito, umaasa si Director Amatonding na patuloy sa pag-avail ng enhancement trainings ang sektor upang mas lalo pang lumago ang kanilang mga negosyo. (JPG/PIA-Agusan del Sur)